Madugong pagsalubong sa 2024 ito: Mga biktima ng paputok, umakyat na sa 443—DOH

Umabot na sa 443 ang mga biktima ng fireworks-related injury ayon sa pagtatala ng Department of Health—o dalawang beses na mas marami kumpara noong isang taon.

Halos doble ang itinaas ng bilang ng mga fireworks-related injuries (FWRI) na naitala ng Department of Health (DOH) isang araw matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon sa datos ng DOH, 212 bagong FWRIs ang naitala mula Enero 1 hanggang Enero 2—o halos doble sa naitalang 231 FWRI mula Disyembre 21, 2023 hanggang 5:59 a.m. nitong Enero 1.

Sa kabuuan, 443 na ang biktima ng paputok, ayon sa kagawaran.

BASAHIN RIN: Biktima ng paputok, umakyat na sa 231; sanggol, nadamay rin—DOH

Kabilang sa mga bagong naitala ay ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay dahil sa paputok, ang unang biktima ng ligaw ng bala, at isang nabulag dahil sa paputok.

Mayroon ring anim na naputulan ng daliri.

Edad 1 hanggang 71 ang mga biktima, at halos kalahati sa kanila ay gumamit ng mga iligal na paputok.

Batay sa mga datos, mas marami ang FWRI ngayon kumpara sa 2023.