Mabuting kaibigan kami: PCG, PNP-MG, nagtulong upang sagipin ang 17 Vietnamese sa lumulubog na barko

Agad nagsagawa ng search-and-rescue operation ang PCG at PNP-MG matapos matanggap ang distress signal mula sa Viet Hai Star.

Sinagip ng magkasamang pwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) ang 17 Vietnamese na lulan ng isang cargo vessel na palubog na malapit sa katubigan ng Palawan.

Naganap ang pagsagip nitong Miyerkules, Nobyembre 22.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo, naglalayag sa may Balabac Island ang barkong Viet Hai Star dakong 9 p.m. noong Martes, Nobyembre 21, nang sumadsad ito sa lupa sa may Balabac Port.

Dito na napansin ng isang crew member na may leak sa bandang starboard ng barko, kung kaya’t nagpadala na ito ng distress signal.

Agad namang nagsagawa ng search-and-rescue operation ang PCG at PNP-MG matapos matanggap ang distress signal mula sa Viet Hai Star.

“They [rescue teams] reached the vicinity waters at around 9:45 p.m. and checked the status of the crew and the distressed vessel. Upon initial assessment, the crew found out that the first compartment of the bow was already flooded,” kwento ni Balilo. “They [crew members] continued to monitor the situation until they eventually decided to abandon the ship around 4:20 a.m. today, 22 November 2023.

Nasa maayos na kalagayan ang mga Vietnamese na nasagip, ayon na rin sa PCG.