Mabuti nang handang-handa tayo: Task Force El Niño, muling binuhay ni PBBM

Pangunahing layunin ng Task Force El Niño ang rebisahin ang Strategic El Niño National Action Plan at pangasiwaan ang mga proyekto at solusyon kontra El Niño.

Muling binuhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Task Force El Niño upang gawin maayos at mabisa ang mga programa ng gobyerno laban sa inaasahan magiging mapinsala ngayong taon.

Sa bisa ng Executive Order No. 53, inatasan na maging miyembro ng naturang task force ang mga kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Department of Health, at National Economic and Development Authority.

Magsisilbing co-chairs naman ang mga kalihim ng Department of National Defense at Department of Science and Technology. Magbibigay naman ng suportang administratibo at teknikal ang Office of Civil Defense.

Pangunahing layunin ng Task Force El Niño ang rebisahin ang Strategic El Niño National Action Plan at pangasiwaan ang mga proyekto at solusyon kontra El Niño. Layon din nitong makipagtulungan sa mga kawani ng gobyerno upang siguraduhing matatapos lahat ng mga proyektong may kinalaman sa tubig upang maibsan ang matinding epekto ng mahabang tagtuyot.

Gagawa rin ito ng El Niño Online Platform na magsisilbing pangunahing pagkukunan ng mga impormasyon tungkol sa El Niño, kabilang ang mga interactive map at mga plano ng gobyerno hinggil dito.