Mabuhay, welcome to Boracay! Cruise ship na may higit 1k pasahero, dumaong sa Boracay, lima pa, inaasahan rin

Inaasahan bababa ang mga turistang lulan ng MV Norwegian Jewel upang mag-ikot-ikot sa Boracay, na isa sa mga tourist destinations ng bansa.

Dumaong sa Boracay ang MV Norwegian Jewel, isang cruise mula sa Norway na may lulan na humigit-kumulang 1,600 pasahero.

“An estimated 1,600 passengers of MV NORWEGIAN JEWEL finally arrived in Boracay Island. Welcome to Boracay Island!” saad ng Malay-Boracay Tourism Office sa isang Facebook post nitong Biyernes, Nobyembre 3.

Sa isang ulat, sinabi ni Niven Maquirang, executive assistant V at officer-in-charge ng Port Cruise Ship Operation and Special Project na ang mga mga pasahero ng MV Norwegian Jewel ay galing sa Norway at sa iba’t ibang bansa sa Asya.

Sa ibang anunisyo, sinabi ng Norwegian Cruise Line (NCL) na ang MV Norwegian Jewel ang una nitong cruise ship na nakabalik ng Asya sa loob ng tatlong taon.

Ayon naman sa pamosong DJ ng Boracay na si Ben Balasador sa kaniyang post sa FB, ang MV Norwegian Jewel ay ang “lead vessel” ng “Jewel-class cruise ships” ng NCL na pangunahing naglalayag sa kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko.

Nauna nang dumaong sa Puerto Princesa, Palawang ang isa pang cruise ship, ang MS Silver Whisper. Inaasahan rin ang pagbisita sa Pilipinas ng lima pang mga barko, na patunay lamang sa patuloy na pagsigla ng turismo ng Pilipinas.