Mabilis at mabusisi! Aprubado na sa Kamara ang P5.768-T national budget – Romualdez; confi funds ng OVP, Deped, nilipat na sa security agencies, Coast Guard

Pinasalamatan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kasamahan niya sa Kamara sa mabilis ngunit mabusising pagpasa ng 2024 national budget.

Pasado na sa Kongreso ang P5.768-trilyong national budget ng gobyerno para sa 2024 ayon sa itinakdang schedule ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang talumpati bago ang takdang recess ng Kongreso, iginiit ni Romualdez ang kahalagahan ng mabusising pagtalakay sa panukalang batas, at ng pagtupad sa mandato ng Kamara na bantayan ang paggastos ng pera ng taumbayan.

“We underscored the need for agencies to abide by the strict accounting and auditing rules governing the handling and release of such funds and emphasized the need to safeguard its efficient and responsible utilization,” ani Romualdez.

“As a result, the House was able to assess and evaluate the nature and use of these funds and correct any mix-ups and allay public concerns regarding this issue,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan ni Romualdez ang kanyang kasamahan sa Kamara ang layunin nitong i-angat ang buhay ng sambayanang Pilipino ayon sa mithiin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Sa pagpasa natin ang 2024 [GAB], naging gabay ang mithiin natin na mabigyan ng ginhawa ang buhay ng ating mamamayan,” ani Romualdez.

“Tiwala ako na hindi lamang makakatulong ang ipinasa nating budget para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino. Susi rin ito para mag-tuloy-tuloy ang ating pagbangon tungo sa mas magandang kinabukasan,” dagdag pa niya.

Ang mga sektor ng edukasyon, public works, at transportation ang makakatanggap ng malaking bahagi ng pondo dahil sa mga proyekto at programa nito na lilikha ng trabaho at maraming oportunidad sa bawat mamamayan.

Sinabi rin ni Romualdez na inilipat na ng Kamara ang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa mga security agencies na nangangasiwa sa pagpapanatili ng teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.