Mabawasan kaya nito ang kamote rider? MMDA, bubuksan ang Motorcycle Riding Academy nito sa Setyembre 27

Bubuksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang Motorcycle Riding Academy sa huling linggo ng Setyembre.

Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bubuksan nito ang kanilang Motorcycle Riding Academy sa Setyembre 27.

Ayon sa MMDA, magbibigay ng karagdagang training ang academy sa mga rider ukol sa theoretical at practical na aspeto ng pagmomotor, kasama na rin ang basic emergency response.

“The Academy aims to provide riders with basic training on handling motorcycles, road courtesy and discipline, and following traffic rules,” ayon sa ahensiya sa isang pahayag.

Ayon sa datos ng MMDA Metro Manila Accident Reporting and Analysis System (MMARAS), umabot sa 38 porsyento ang mga namatay sa disgrasya, o katumbas ng 224 na patay sa kabuuang 590 na aksidente na may kinalaman na motor noong 2018.

Tumaas pa ang bilang ng mga namatay noong 2020 (253 deaths) at 2021 (295 deaths).

Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), pang-11 mula sa 175 na bansa ang Pilipinas pagdating sa iniulat na pagkamatay sa kalsada sa bilang na 10,012 noong 2018. Mula sa kabuuang bilang 4.7 porsyento doon ang mga driver at pasahero ng mga 2- or 3-wheeled na sasakyan.