‘Mabait siya sa atin’: Imee nalungkot sa pagkastigo kay Pastor Quiboloy

Labis na ikinalungkot ni Senadora Imee Marcos ang mga isyung kinasasangkutan ngayon ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy.

Labis na ikinalungkot ni Senadora Imee Marcos ang mga isyung kinasasangkutan ngayon ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy.

Ani Marcos, isang mabuting tao si Quiboloy kaya umaasa siya na madadaan sa mapayapang paraan ang pagresolba sa mga reklamong inihain laban sa kanya.

“Lungkot na lungkot ako sa mga pangyayari tungkol sa SMNI at kay Pastor Quiboloy. Mabait siya sa atin at higit sa lahat tumutulong sa napakarami kaya’t malungkot ako na nauwi sa ganito at sana naisaayos na lamang ito nang mas mapayapa at mas tahimik na pamamaraan,” pahayag ni Marcos sa Kapihan Forum noong Huwebes.

Si Quiboloy ay pinapatawag ng Senado para harapin ang reklamong pang-aabuso na isinampa ng mga dati umanong miyembro ng KOJC. Bukod pa rito, iniimbitahan din ng Kamara ang pastor upang sagutin ang diumano’y paglabag ng Sonshine Media Network International sa prangkisa nito.

Sa Amerika, wanted din si Quiboloy sa patong-patong na kaso tulad ng sex trafficking, fraud, coercion, conspiracy at bulk cash smuggling.

“Sa ngayon, nandiyan na, we are in a legal situation, susundan na lamang iyan kasi ariyan na. Pero, ganunpaman, inaasahan ko na maisayos iyan sa lalong madaling panahon at alalahanin natin ang karapatan ng lahat including due process and the right against self-incrimination. Tapos iyong mga nagsasabi ng extradition, e wala namang extradition request bakit kayo nagmamadali labis naman,” dagdag pa ni Marcos.

Samantala, nanindigan ang pastor na hindi nito haharapin ang pagdinig ng Senado.