Mababawasan kaya ang kamote sa kalsada? Rehistro ng e-bike, mga drayber nito, pinag-aaralan na ng LTO

Tila napupuno na ang salop ng gobyerno sa perwisyong dulot ng mga e-bike sa kalsada matapos i-mungkahi ang pagpaparehistro sa mga ito at maging ang mga nagmamaneho nito, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Pinaaralan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpaparehistro ng lahat ng klase ng electronic bikes (e-bikes), matapos sumirit pa ng husto ang bilang ng mga aksidente sangkot ang pinakamurang uri ng sasakyan na tinatangkilik ng madla.

Gamit ang pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabi ng LTO na nakapagtala ang ahensya ng 556 na aksidente na sangkot ang e-bike sa buong Metro Manila mula Enero hanggang Nobyembre 2023.

Sa kasalukuyan, hindi kailangan ng lisensya ng mga nagmamaneho ng e-bike, at hindi rin kailangan i-rehistro sa LTO.

“Pag tumatakbo ‘yan ng less than 25 kilometers per hour, hindi kailangan i-rehistro sa LTO although we’d like to deviate from that thinking,” ani Assistant Secretary Vigor Mendoza, LTO chief.

“So we’re coming up with a proposal, regardless of the speed of the vehicle… kelangan rehistrado sa LTO,” dagdag pa niya.

Tinatangkilik ng mamamayan ang e-bike dahil praktikal gamitin ito. Abot kaya ang presyo ng isang unit, at hindi gumagamit ng gasolina o krudo.