Maayos na serbisyo para sa Pilipino! PBBM, Speaker Romualdez: Abot-kamay na ang serbisyo ng gobyerno sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

Inilunsad ng gobyerno sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa apat na probinsiya.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang grand launch ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa apat na probinsiya.

Pinasinayaan ng Pangulo ang BPSF sa Nabua, Camarines Sur habang si House Speaker Martin Romualdez naman ang nanguna sa BPSF launching sa Leyte.

“Magkakahiwalay man ang ating mga isla, pinagbubuklod-buklod naman tayo ng isang diwa at isang pangarap: isang Bagong Pilipinas para sa Bagong Pilipino,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

“Sa tulong ninyo, mapagtatagumpayan natin ang anumang mga hamon sa buhay. Basta’t nagkakaisa, walang pagsubok o kahirapan ang hindi natin kakayanin. Muli, maraming salamat at maligayang pagdating sa Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Ang programang ito ay magbibigay ng mahigit 60 services mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may pondong P1 bilyon kada isa.

Ang BPSF ang isa sa mga inisyatibo ng pamahalaang Marcos upang mas madaling ma-access ng mga mamamayang Pilipino ang mga serbisyong inaalok ng gobyerno. Sa katunayan, bago pa man ang grand launch nito, higit sa 400,000 Pilipino na ang nakinabang sa mga serbisyong ibinibigay ng BPSF.

Sinabi naman ni Romualdez na mahalagang maging proactive ang pamahalaan sa pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.

“Ipinakita rin naman na ang gobyerno po ang ating mahal na President BBM ay nandito, very, very active, very much present. Iyan ang sinasabi ng ating ‘Bagong Pilipinas Serbisyo Fair’,” ani Romualdez.

“The ‘Serbisyo Fair’ truly breathed life into the aspirations of President Marcos to bring many government programs within the reach of people who may not have the means to avail of these benefits,” dagdag pa niya.