Maagang pasabog ng mga minero! Mga magnanakaw, naipuslit ang halagang P35 milyon na alahas at P721K sa Ozamiz

Mula sa paghukay ng tunnel hanggang sa pagsira ng CCTV at pagbasag sa mabigat na vault, makikitang planadong-planado ang pagnanakaw sa tindahan ng alahas sa isang mall sa Ozamiz City.

Naipuslit ng mga magnanakaw ang halagang P35 milyon na alahas mula sa isang jewelry store sa isang shopping mall sa Ozamiz City, ayon sa mga pulis. Natangay rin nila ang P721,000 mula sa naturang tindahan.

Ayon sa staff ng tindahan, binutas ng mga kawatan ang vault upang makuha ang mga alahas bago lumabas patungo sa food court

“Binasag po nila yung vault, hindi ko alam ano ginamit nila. Nagtataka po kasi ako, kasi mabigat ang vault namin, double door at double lock. Hindi ko alam paano nila binuksan at winasak yung vault namin,” sabi ng isa sa mga tindera.

Sinira rin umano ng mga kawatan ang CCTV ng tindahan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ginamit ng mga kawatan ang drainage system ng mall upang makapasok at makalabas dito.

“Doon sila sa parang food court nakapasok, ginamitan ng equipment para mabuksan nila yung harang na metal,” saad ni Police Major Euredicy Revillas, Deputy Chief of Police ng Ozamiz City.

Nasa kustodiya na ng Ozamiz police ang tatlong suspek at limang persons of interest na diumano’y humukay rin ng tunnel para sa naturang pagnanakaw.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad ang komunidad kung saan natapos ang tunnel.