Lumiliit na ang mundo mo, boss: Passport ni Teves, pinababawi na ng DOJ

Wala pang tugon ang Timor-Leste sa hiling ng gobyerno na pabilikin na sa Pilipinas ang suspek, na kinasuhan na rin ng pagpondo sa terorismo kamakailan, ayon sa isang opisyal ng Department of Justice.

Pormal nang humiling sa hukuman ang Department of Justice (DOJ) na bawiin na ang pasaporte ng sinibak na kinatawan ng Negros Oriental Arnolfo Teves Jr., na patuloy na nagtatago matapos makasuhan ng patung-patong na kaso, kabilang na ang murder.

Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, hindi na makakapunta sa iba’t ibang bansa si Teves kung makakansela ang pasaporte nito maliban na lang kung uuwi siya sa bansa upang ayusin ang pasaporte nito.

“His (Teves) only recourse is to come back to the Philippines and revalidate his passport. ‘Yan po ang ginagawa natin para ma-pressure siya na makauwi,” paliwanag ni Clavano sa mga mamamahayag.

Kontra naman dito ang abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio, dahil aniya presumed innocent ang dating kongresista hanggang hindi napapatunayan nagkasala sa Korte.

Dagdag pa ni Clavano, wala pang tugon ang Timor-Leste sa hiling ng gobyerno na pabilikin na sa Pilipinas ang suspek, na kinasuhan na rin ng pagpondo sa terorismo kamakailan.