Lumang bago: ‘Grand Slam’ coach Tim Cone hahawakang muli ang Gilas Pilipinas sa Asian Games

Pangungunahan ni coach Tim Cone ang coaching staff na Gilas Pilipinas para sa Asian Games matapos magbitiw si dating coach Chot Reyes.

Opisyal nang itinalaga ng Philippine Basketball Association (PBA) at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si Tim Cone na bagong coach ng Gilas Pilipinas para sa nalalapit na Asian Games sa Hangzhou, China.

Si Cone, na nagsilbi bilang isa sa mga assistant coaches ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup, ay isa nang beterano sa international basketball at makailang beses na rin siyang naging head coach ng mga national team.

Papalitan niya si Chot Reyes, na nagbitiw bilang head coach ng Gilas noong Sabado,
Setyembre 2, matapos magtala ang pambansang koponan ng 1-4 win-loss record sa nasabing torneo.

Matatandaang si Cone rin ang coach na nagbigay sa Pilipinas ng medalya sa Asian Games, nang pangunahan niya ang tinaguriang Centennial Team noong 1998 Asian Games sa bronze medal. Huli namang hinawakan ni Cone ang Gilas noong 2019 Southeast Asian Games na ginanap dito sa bansa, at tinulungan niya itong manalo ng gintong medalya.

Ang coaching staff ni Cone ay bubuuin nina Richard del Rosario at LA Tenorio ng Barangay Ginebra San Miguel at nina Jong Uichico at Josh Reyes, na assistant coaches rin ng Gilas nitong FIBA World Cup.