Lulong sa talpak kaya dapat masibak! Pulis nang-holdap sa Cebu dahil baon sa utang sa online sabong

Nang maaresto, inamin naman ng patrolman ang kaniyang krimen, na ginawa lamang daw niya dahil umabot na ng mahigit P1 milyon ang utang niya dahil sa online sabong.

Nahuli na ang pulis nan ang-holdap ng isang opisina ng kooperatiba sa Toledo, Cebu noong nakaraang Biyernes, Enero 12.

Sapul sa CCTV ang pangho-holdap ng lalaki sa Lamac Multipurpose Cooperative, pati na rin ang gamit nitong motorsiklo para umeskapo. Halagang P200,000 ang natangay ng suspek.

Natunton kinalaunan ng mga awtoridad ang nasabing motorsiklo, at dito na nalaman ng mga pulis na si Pat. Jaymar Exequiel ang salarin.

“Nakakuha tayo ng mga dokumento roon [sa motorsiklo]na nag-identify sa kaniya, kasama na ‘yon part of his issued firearm,” kwento ni Lt. Col. Manolo Salvatierra, hepe ng Toledo Police station, kung paano natunton si Exequiel.

Nang maaresto, inamin naman ng patrolman ang kanyang krimen, na ginawa lamang daw niya dahil umabot na ng mahigit P1 milyon ang utang niya dahil sa online sabong.

Mahaharap si Exequiel sa mga kasong kriminal at administratibo.