Lubog rin sa Luzon: Ilang bahagi ng Quezon, binaha rin dahil sa matinding ulan

Kabilang sa mga lugar na lubog sa tubig baha ay mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Lopez, Gumaca, Plaridel, at Atimonan, ayon sa mga awtoridad.

Lubog sa tubig baha ang ilang bahagi ng Quezon province nitong Sabado, Nobyembre 25, matapos ang magdamag na pag-ulan, ayon sa mga awtoridad.

Kabilang sa mga lugar na lubog sa tubig baha ay Tagkawayan, Calauag, Lopez, Gumaca, Plaridel, at Atimonan. Sa katunayan, umabot hanggang bewang na ang tubig sa bayan ng Lopez, ayon sa ulat ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (QPDRRMO).

Baha rin sa Maharlika Highway sa may Atimonan at Plaridel.

Kaugnay niyan, tiniyak ng QPDRRMO na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon, lalo pa’t nananatiling maulan sa probinsiya.

Inaasahan namang magpapatuloy ang pag-ulan sa Quezon, Laguna, at Bicol region dahil sa shear line.