LTO: Produksyon ng plaka para sa mga sasakyan umabot na sa 1M kada buwan

Tiwala ang Land Transportation Office (LTO) na matatapos nito ang backlog na plaka para sa mga kotse at motorsiklo dahil mga bagong makina na kanilang ginagamit.

Umabot na sa isang milyong plaka ang nagagawa ng Land Transportation Office (LTO) at kampante ang pinuno ng ahensya na matatapos nito ang backlog ng plaka ng mga kotse bago matapos ang Nobyembre.

“We are now producing one million plates a month. We have dedicated machines that cater only to motor vehicles, and of course, focus din ang production para sa mas maraming backlog sa plaka ng motorsiklo,” ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II.

Sinabi pa ng opisyal na dahil sa mataas na produksyon ng ahensya, magkakaroon na kaagad ng plaka ang mga bagong biling kotse, at mauubos nito ang backlog ng mga plaka ng motor sa unang bahagi ng 2025.

“I have instructed all District Offices, Regional Directors that we should be able to cater to the current demand as far as motor vehicles are concerned,” sinabi pa ni Mendoza.

Ayon sa pagtaya ng LTO, aabot sa 2,000 na sasakyan kada araw ang nangangailangan ng plaka.

“So times two dahil front and back ang plaka, so it’s 4,000 a day. We have that capacity, there’s no reason why a buyer who comes to you now will have to wait months in order to get their plates,” ani Mendoza.

Target ng LTO na maibigay ang plaka sa mga may-ari ng sasakyan sa loob ng pito hanggang 10 araw matapos ang pagsumite ng lahat ng kailangang dokumento.

Walong makina ang ginagamit ng LTO para pabilisin ang paggawa sa higit na 15 milyong plaka, kung saan 13 milyon mula sa bilang na iyon ay para sa mga motorsiklo.