LTO, nagpalabas ng show cause order laban sa may-ari ng SUV; lalaking driver na nanutok ng baril, tinutugis pa rin

Pinaghahanap ng mga awtoridad ang lalaking nanutok ng baril sa isang road rage incident noong Agosto

Nagpalabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng SUV na sangkot sa road rage incident sa Valenzuela City noong Agosto 19, na naging viral sa social media kamakailan.

Natukoy ng LTO ang may-ari ng sasakyan na isang babae na nakatira sa Bulacan.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, malalaman ang pagkakakilanlan ng lalaking nagmamaneho ng sasakyan na sangkot sa road rage incident sa pamamagitan ng show cause order.

“Gusto nating malaman kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan na ito nung mangyari ang insidente. Gusto rin nating malaman kung nabenta na ba ang sasakyan na ito o nahiram lang,” ani Mendoza.

Sinuspindi na ang rehistro ng sasakyan sa loob ng 90 na araw habang isinasagawa ang imbestigasyon, ayon kay Mendoza.

Nakasaad sa show cause order na kailangan magpakita ang may-ari ng sasakyan sa tanggapan ng LTO sa Setyembre 14 upang magsumite ng affidavit na naglalaman ng sagot sa mga paratang laban sa kanya, kabilang ang reckless driving, improper person to operate motor vehicle, at obstruction of traffic.

Nakikipagugnayan na rin ang LTO sa iba pang ahensiya ng gobyerno para matunton ang driver na nanutok ng baril.