LTO, may paparating ng 15 milyong metal plates upang matugunan ang backlog na plaka ng mga sasakyan

Nag-order na ng 15 milyong metal plates ang Land Transportation Office upang matugunan nito ang hight sa 13 milyong backlog nito sa license plates.

Kasalukuyang may higit 13 milyong backlog ng official plates ang Land Transportation Office (LTO), at gumagawa na ng hakbang ang mga ahensya ng pamahalaan—kabilang ang Department of Transportation (DOTr)—upang mapunan ito.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, na ipinag-utos na ng DOTr ang pagbili ng 15 milyong metal plates upang tugunan ang nasabing backlog, kung saan hindi pa nabibigyan ng official plate ang may 13.2 milyong motorsiklo at 179,000 pang mga sasakyang de-motor.

“The delivery has already started. With this, we expect to address the backlog for both motor vehicles and motorcycles on a monthly basis,” sambit ni Mendoza.

Humingi naman si Mendoza ng dispensa sa publiko at tiniyak na matutugunan na ng LTO ang mga backlog nito sa mga susunod na buwan.

“Humahabol na tayo kase bumibilis na po ‘yung delivery ng plates ‘no to the tune of 250,000 pairs every month for the motor vehicle and one million every month for the motorcycle,” dagdag ni Mendoza.

Dahil dito, tumaas na umano ang production capacity ng LTO, na aniya ay kaya ng gumawa ng 32,000 license plates kada araw, o mahigit-kumulang 700,000 kada buwan.