LTFRB sa mga kooperatiba ng jeep: Pwede ninyong bilhin kung anong nais, basta pasado sa standard

May 32 na modelo ng modern jeep ang ginagamit sa buong bansa na gawang Pilipino o binuo sa Pilipinas. Hinihikayat na rin ng Department of Transportation ang iba pang mga local manufacturers na gumawa rin ng kanilang sariling bersiyon dahil may mga panuntunan at standards naman nang susundin.

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring bumili ng modernong mga jeep na gawang-Pinoy ang mga transport cooperatives basta’tmoderno ito at pasok sa Philippine National Standard (PNS).

“Pwede po sila bumili ng locally-made or from Japan, or China, o kahit ano pang bansa. Basta ang cooperatives po ang masusunod diyan at hindi ang pamahalaan,” paglilinaw nni LTFRB chair Teofilo Guadiz III sa isang pahayag nitong Martes, Enero 9.

Dagdag pa ni Guadiz, maaaring kumonsulta ang mga kooperatiba ng jeep sa Department of Trade and Industry, na aniya’y may listahan ng mga manufacturers na pasado sa PNS.

Sa katuyan, may 32 na modelo ng modern jeep ang ginagamit sa buong bansa na gawang Pilipino o binuo sa Pilipinas.

Kaugnay niyan, hinimok ni Department of Transportation Undersecretary Timothy John Batan ang iba pang mga local manufacturers na gumawa ng sarili nilang modernong jeep na pasok sa PNS.

“At kung mas mura ang presyo ng ating mga local manufacturers, tingin natin ay hindi mahihirapan ang ating mga operators na sila ang piliin. Pero nasa kanila ‘yun,” ani Batan.