Love wins! LGBTQIA+ couples, bumida sa ‘commitment ceremony’ ng QC

Nagdaos ng commitment ceremony para sa mga LGBTQIA+ couple ang lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Sabado sa Quezon Memorial Circle.

Nagdaos ng commitment ceremony para sa mga LGBTQIA+ couple ang lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Sabado sa Quezon Memorial Circle.

Tinatayang higit 200 LGBTQIA+ couple ang dumalo sa naturang aktibidad. Pinaranas ng lokal na pamahalaan ang isang tunay na kasal sa bawat magkapareha, kung saan lumakad ang bawat isa sa red carpet na may mga bulaklak. Bukod pa rito, nagkaraoon din ng cake cutting at sayawan.

Nakiisa rin ang mga kapamilya at kaibigan ng mga LGBTQIA+ sa seremonya.

“Bagamat hindi ito pangkaraniwan at legal na kasal, ang seremonya ay isa pa ring pagkilalala sa bawat isa sa inyo. Sa inyong pagkatao, sa inyong karapatan, at sa inyong pag-iibigan,” saad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“Pangako pa rin ito. Hindi naman kailangan maging legal o hindi para maging pangakong panghabangbuhay,” dagdag pa ng alkalde.

Matapos ang seremonya, namahagi ang lokal na pamahalaan ng Right to Care card sa bawat LGBTQIA+ couple. Ang Right to Care card ay nagbibigay karapatan sa isang miyembro ng LGBTQIA+ community na gumawa ng desisyong medikal para sa kanyang kapareha. Ang mga nagmamay-ari ng card ay maaari ring maging benepisyaryo sa mga insurance.