Long weekend pa more! Business groups, suportado ang “holiday economics” ni PBBM

Paliwanag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ilan sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng long weekend ay ang mga oportunidad ng mga pamilya upang maglibang, magbakasyon, at magpunta kung saan-saan.

Pabor ang dalawa sa pinakamalaking business group ng bansa sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng mga long weekend, kung saan inuusod ang mga holiday sa Lunes o Biyernes upang bigyan ng mas matagal na “bakasyon” ang publiko.

Paliwanag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ilan sa mga benepisyo ng pagkakaroon ng long weekend ay ang mga oportunidad ng mga pamilya upang maglibang, magbakasyon, at magpunta kung saan-saan.

“More time with family and friends can boost well-being and, indirectly, enhance their productivity,” saad ni PCCI president Enunina Mangio sa isang pahayag nitong Linggo, Enero 7.

Dagdag pa ni Mangio, mas malaki ang posibilidad na mamasyal ang mga tao kapag long weekend, na siya namang magpapalakas sa turismo ng bansa.

Sang-ayon rito ang Federation of Philippine Industries (FPI), lalo na’t tataas ang consumer spending sa mga long weekend.

“If you compress the rest days, it will be conducive for people to spend money. And when people spend more money, it will mean additional income,” paliwanag ni FPI chair Jesus Arranza sa isang panayam. “We also know that when there are long weekends, people travel with their families and go to resorts and other similar places.”

Kaugnay niyan ay pinaalalahanan ng pangulo ang mga Pilipino na planuhing mabuti ang kanilang mga long weekend at ilaan para sa mga mahal sa buhay.