Litisin at ikulong na ang mga ‘yan! Customs, nagsampa na ng 4 na reklamo laban sa mga importer na sangkot sa pagpuslit ng bigas sa Bulacan

Tatlo sa apat na reklamo ay maituturing na malakihan o large-scale, habang ang panghuli ay hindi umabot sa P10-milyong threshold, paliwanag ng opisyal.

Nagsampa na ang Bureau of Customs (BOC) ng apat na reklamo laban sa mga importer ng bigas na konektado sa isang warehouse sa Bulacan na sinalakay ng gobyerno kamakailan.

“The Bureau of Customs Bureau Action Team Against Smuggling (BATAS), that’s the anti-smuggling arm of the Bureau of Customs, nakapag-file po kami ng four cases, particularly po ito iyong sa rice,” ani William Balayo, tumatayong acting director ng BOC legal service.

“Ang particular factual backdrop po nito, ito po iyong mga ni-raid noong August 24 sa Bulacan and pardon me po kung hindi ko mapapangalanan iyong mga akusado. Nonetheless po, we are happy to state that ito pong pinaylan (file) po namin ng cases. Tatlo po dito ay iyong economic sabotage,” aniya.

Tatlo sa apat na kaso ay na-konsiderang malakihan o large-scale, habang ang natira ay hindi umabot sa P10 milyon na threshold, kaya ibinaba ng BOC ang kaso sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), paliwanag ni Balayo.

Humiling si Balayo ng pag-unawa mula sa publiko dahil gustong makasiguro ng kawanihan na maayos ang mga kasong isasampa nito laban sa mga smuggler at hoarder ng basic commodities tulad ng bigas at iba pang agricultural products.

“Kasi talagang pahirap po iyong rice smuggling dito po sa ating bansa. And lalo na din po na hindi po namin trabaho talaga iyong hoarding, iyong paghuhuli po ng hoarding, pero sa pagbubukas po natin ng mga bodega nakikita po natin ngayon, Sir, iyong mga bigas na sa tingin namin ay baka hino-hoard po,” ani Balayo.

“And once na nakakita po kami ng ganyan, we coordinate with the appropriate government agencies kagaya po ng NBI, kagaya po ng DTI and the PACC para sila po ang mag-file ng cases for hoarding. Sana po malinaw iyon na ang Bureau of Customs po ay hanggang sa anti-smuggling lang po; wala po kami sa hoarding,” dagdag pa niya.