Lisensya ng mga baril ni Quiboloy ni-revoke ng PNP

Nagdesisyon na ang Philippine National Police (PNP) na ipawalang-bisa ang permit ng mga baril ni Pastor Apollo Quiboloy ngayong Huwebes.

Nagdesisyon na ang Philippine National Police (PNP) na ipawalang-bisa ang permit ng mga baril ni Pastor Apollo Quiboloy ngayong Huwebes.

Sa inilabas na resolusyon ni PNP chief Gen. Rommel Marbil, kailangang isuko ni Quiboloy ang kanyang mga armas sa pinakamalapit na estasyon ng pulis sa loob ng anim na buwan.

Kung ‘di niya ito magagawa, maaari siyang kasuhan ng illegal possession of firearms.

“Ang naging basehan nito ay yung section 4G ng RA 10591… Nakalagay doon ang sinumang akusado na ang imposable penalty ay mahigit 2 taon ay hindi pinapayagan na magkaroon ng pag-aari, ang magparehistro ng baril,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

“Kung matatandaan natin ay nasampahan si Pastor Quiboloy atbp ng qualified human trafficking which carries a penalty of life imprisonment as well as yung violation of RA 7610 or yung child abuse which also carries a capital offense,” paliwanag pa niya.

Sa datos ng PNP, si Quiboloy ay may 19 na baril. Isa sa mga ito ang expired na ang registration bago pa man ilabas ng pulisya ang revocation ng iba pang mga baril.

Dagdag pa ni Fajardo, maaaring maghain ang kampo ni Quiboloy ng motion for reconsideration hinggil sa desisyon ng PNP.