Lipat na sa Reels or My Day, mga ser! NSC, pinagaaralan ang pagbabawal ng paggamit ng TikTok sa mga unipormadong hanay

Tinitingnan ng National Security Council ang posibilidad na ipagbawal ang paggamit ng TikTok sa unipormadong hanay ng gobyerno.

Pinagaaralan na ng National Security Council (NSC) ang pagbabawal ng paggamit ng social media platform na TikTok sa mga unipormadong hanay nito upang maiwasan ang posibilidad ng “data” leak.

Nagpahayag ng pagkabahala si NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa posibilidad ng hacking sa mga gamit ng unipormadong serbisyo sa pamamagitan ng TikTok. Aniya, maraming gobyerno na rin ang nakapagpatupad ng ganitong regulasyon.

“What I can do is to raise this with the National Security Adviser [Eduardo Año] if it would be proper for us to do so kasi alam mo naman dito sa Pilipinas… sabihin curtailment of the freedom of expression, curtailment of the freedom of speech,” ani Malaya.

Pinagaaralan na rin ng NSC kung maaari ring palawakin ang pagbabawal para sakwalin ang buong gobyerno sa alang-alang ng seguridad.

“We will discuss this with the National Security Adviser if it will be proper for the Philippines to take this step,” aniya.

Maraming bansa na rin ang nagpapatupad ng pagbabawal, kasama ang Estados Unidos, India, at Canada, sa TikTok, na pagmamay-ari ng isang Chinese company.

May pangamba na gamitin ng China ang mga sensitibong impormasyon na makukuha ng TikTok mula sa kanilang mga users.

Nilinaw naman ni Malaya na kung sakaling magpapatupad ng ban sa TikTok, hindi kaagad ito ipapatupad sa mga sibilyan.

“It would be for the security sector, I’m talking about the Armed Forces, the uniformed personnel and in particular the intelligence entities of the government —the National Security Council,” aniya.

“I would think that we should seriously consider for the security sector alone, not for the other civilian agencies of government which are not part of the security sector. Precisely, the reason is for operational security,” ani Malaya.