Limang NPA member, todas sa engkwentro sa Bohol

Patay ang limang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa bakbakang naganap sa Bilar, Bohol ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Army.

Patay ang limang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bakbakang naganap sa Bilar, Bohol ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Army.

Sumiklab ang bakbakan dakong alas-6:52 ng umaga sa Purok Matinan-ao Dos, Barangay Campagao. Nagtungo umano sa lugar ang pinagsanib na pwersa ng pulis at militar upang ihain ang warrant of arrest sa limang hinihinalang miyembro ng NPA.

Ayon sa Visayas Command (Viscom), isa sa mga napatay si Domingo Jaspe Compoc, na lider umano ng mga NPA sa lalawigan. Wanted umano si Compoc sa mga kasong rebelyon, homicide, attempted homicide, multiple murder, frustrated murder at robbery.

Ang iba namang NPA member na napatay ay kinilalang sina Parlito Segovia alyas “Aldrin,” Marlon Omosura alyas “Darwin,” Hannah Joy Cesista alyas “Maya/Lean,” at isang kilala bilang “Juaning.”

Isang pulis naman ang napatay sa engkwentro, habang isa ang sugatan.

Tumagal ang bakbakan ng halos tatlong oras, at nakumpiska ng mga awtoridad ang mga armas na ginamit ng mga suspek.