Ligwak kayo! Programang ‘It’s Showtime’ ni Vice Ganda suspendido ng 12 na araw

Pinatawan ng parusang suspension ng Movie and Television Review and Classification Board ang "It's Showtime" ng 12 araw dahil sa malaswang aksyon ni Vice Ganda at boyfriend na si Ion Perez.

Sinuspindi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang programang ‘It’s Showtime’ ng 12 araw matapos ang makailang reklamo mula sa mga manonood.

Ibinaba ng ahensiya ang suspensyon ngayong araw, Setyembre 4, matapos kilatisin ang mga reklamo laban sa nasabing palabas.

Matatandaang may mga manonood na nagsampa sa MTRCB ng reklamo hinggil sa isang episode ng ‘It’s Showtime’ noong Hulyo 25, 2023 kung saan nagpakita umano ng malalaswang kilos ang magkasintahang sina Vice Ganda at Ion Perez. Ayon sa mga sumbong, ang dalawang host umano ay kumilos sa malaswang paraan sa segment na “Isip Bata.”

Ang mga reklamo ay isinangguni sa Hearing and Adjudication Committee ng MTRCB, na siya namang duminig sa kaso at nag-atas sa mga respondent na magsumite ng kanilang mga position paper, alinsunod na rin sa mga patakaraan ng ahensya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na napatawan ng preventive suspension ang nasabing programa. Noong 2010, pinatawan na rin ng MTRCB ang palabas na ito (na dating ‘Showtime’) dahil sa mga reklamo ng manonood.

Nauna na ring binigyan ng mga babala ng ahensya ang pamunuan ng ‘It’s Showtime’ dahil sa mga malalaswa o hindi kanais-nais na pahayag ng mga host nito.

Ang pamunuan naman ng ‘It’s Showtime’ ay maaaring maghain ng Motion for Reconsideration sa susunod na 15 araw alinsunod sa Presidential Decree (P.D.) No. 1986 (MTRCB Charter).