Ligtas na rin sana sila: 40 Pilipino, nakalikas na palabas ng Gaza

Papunta na ng Cairo sa Egypt ang mga Pilipinong lumikas mula Gaza at makakauwi na ng bansa sa lalong madaling panahon.

Nakalikas na mula Gaza ang 40 Pilipino na naipit sa karahasan doon.

Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules, Nobyembre 8, na ang 40 na Pilipino ay nakaalis sa Gaza gamit ang Rafah crossing. Sa kaniyang video, sinabi ni Marcos na papunta na ng Cairo sa Egypt ang mga Pilipinong lumikas at makakauwi na ng bansa sa lalong madaling panahon.

Kaugnay niyan, pinasalamatan ni Marcos ang mga embahada ng Pilipinas sa Israel, Jordan, at Egypt na nakipag-ugnayan at nakipagtulungan sa mga pamahalaan ng Israel at Egypt upang matuloy ang paglikas.

“I am happy to report that 40 of our countrymen have safely and successfully crossed the Rafah crossing in Egypt… We were able to arrange this because of the joint efforts of the Department of Foreign Affairs (DFA) and our embassies in Israel, Jordan and Egypt to assist our countrymen,” sabi ni Marcos. “We also thank the governments of Israel and Egypt for prioritizing our countrymen so that they can leave their territory.”

Pinasalamatan rin ni Marcos ang Qatar sa pagtulong nito.

Samantala, tiniyak ng pangulo na magbibigay ito ng mga update sa mga hakbangin ng pamahalaan upang masigurong ligtas ang mga Pilipino sa Gaza.