Ligtas na rin kayo: 60 OFWs sa Israel, balik Pinas na sa wakas

Nagpasalamat ang pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) kay House Speaker Martin Romualdez at sa House overseas workers affairs committee sa pagseseguro sa sapat na pondo na nakalaan para sa repatriation na tumutustos sa pagpapauwi sa mga Pilipino mula Israel at Gaza.

Nakauwi na sa bansa nitong Lunes, Oktubre 30, ang 60 overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Israel.

Ito na ang ikaapat na batch ng mga OFW na humingi ng saklolo sa Department of Migrant Workers (DMW) upang makauwi muna sa Pilipinas sa gitna ng karahasan sa Israel. Kabilang sa grupong ito ang 32 hotel workers, 28 caregivers, at 2 sanggol.

“We are very thankful first and foremost for the House Committee on Overseas Workers Affairs, our budgetary resources approved by the Congress, and also to the Department of Foreign Affairs,” sabi ni DMW officer in charge Hans Cacdac sa isang pahayag.

Sa kasaluluyan, may 122 Pilipino na ang naiuwi ng DMW habang patuloy ang giyera sa Israel. Inaasikaso na rin ng ahensiya ang pag-uwi ng 130 pang Pilipino, habang may 250 pang humingi ng tulong.

Lahat ng mga umuwing Pilipino mula Israel ay nakatanggap ng tig-P50,000 mula sa DMV at Overseas Workers Welfare Administration. Binigyan rin ng Department of Social Welfare and Development ng P10,000 cash, P10,000 halaga ng food subsidy, at P15,000 ang bawat isa.