Liderato ng Davao Oriental, sumanib na sa Lakas-CMD ni Romualdez

Matagal nang umanong pinaplano ng mga lider ang sumanib sa Lakas-CMD, at nagkataon lamang ang panunumpa, ayon sa isang opisyal.

Sumapi na ang ilang prominenteng opisyal ng Davao Oriental kay House Speaker Martin Romualdez at sa kanyang partidong Lakas-CMD noong nakalipas na linggo.

Ayon kay Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, nanumpa siya kay Romualdez noong Biyernes, Nobyembre 24, kasama sina Davao Oriental Vice Governor Nelson Dayanghirang Jr. at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Andy Monday, Benjie Bulaong, Rochie Ravelo, Daud Linsag, at Harold Montes.

“They took their oath as Lakas-CMD members before Speaker Ferdinand Martin Romualdez at the Speaker’s office,” ani Almario sa isang panayam.

Sinaksihan ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng Lakas-CMD nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Lakas-CMD secretary-general at Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe.

Nanindigan si Almario na walang kinalaman ang pagpalit ng alyansa ng mga lider ng Davao Oriental sa mga tirada ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara, at sa diumanong hidwaan nina Romualdez at Vice President Sara Duterte.

Matagal nang umanong pinaplano ng mga lider ang sumanib sa Lakas-CMD, at nagkataon lamang ang panunumpa.

“It’s just a coincidence. We are doing this for the benefit of the people of Davao Oriental as this would mean more funds for development programs and projects,” giit ni Almario.

“I wish to express my unwavering support for our esteemed Speaker, Martin Romualdez, and the leadership of the House. Under Speaker Romualdez’s guidance, the House has consistently demonstrated its commitment to good governance, transparency, and the welfare of the Filipino people. Being a part of this great institution gives me great pride and joy,” dagdag pa ni Almario.