Libreng solar lights, hatid ng Sorsogon PNP sa piling residente sa Gubat, Sorsogon

Napalitan na ang mga gasera at flashlight ng mga piling residente ng solar-powered lights

SORSOGON- Patuloy na ipinaparamdam ng kapulisan sa Sorsogon ang kanilang presensya sa komunidad sa pamamagitan ng kanilang pagtulong sa mga naghihikahos na pamilya sa kanilang probinsya.

Sa ilalim ng kanilang ‘Revitalized-Pulis sa Barangay’ program, ilang residente sa bayan ng Gubat ang kanilang natulungan.

Ayon kay Capt. Jerson Recuencom ng Sorsogon Police Provincial Office (PPO), 1st Provincial Mobile Force Company, matapos ang kanilang ginawang Need Assessment Survey sa kanilang nasasakupang lugar, dalawang residente sa Barangay Dita ng nasabing bayan ang kanilang napiling mabigyan ng solar lights at talaga namang kapos sa buhay.

Isa sa mga benepisyaryo ay ang nag-iisa na lamang sa buhay na 59-anyos na si Angel Diesta na gumagawa ng nito products subalit tuwing gabi ay hirap na siya sa pagtatrabaho dahil flashlight lamang ng lighter ang kanyang gamit.

Benepisyaryo rin si Geraldine Doma na apat na taong walang suplay ng kuryente ang kanilang tirahan.