Legit ‘tong lotto ng PCSO! Mananayang nasolo ang P571-milyong jackpot sa 6/58, aminadong naengganyo lang ng ‘Handog Pakabog’

Totoo ang pangarap kong lotto. Iyan ang mensahe ng mananayang taga-Albay na nakopo ang kauna-unahang "Handog Pakabog" ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Kinuha na ng mananayang taga-Albay nitong Martes, Enero 2, ang napanalunan nitong P571-milyong jackpot sa bola ng Ultra Lotto 6/58 noong Disyembre 29.

Sa kaniyang pagpunta sa pangunahing tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabi nitong lehitimo nga ang lotto at talagang may mga nagiging instant milyonaro dito.

“Ang masasabi ko lang sa mga nagsasabi na hindi totoo ang mga nanalo sa Lotto ay nagkakamali po kayo,” aniya. “Kailangan niyo tumaya para malaman niyo na totoo ang lotto.”

Aminado rin ang maswerteng mananaya, na nakua ang kumbinasyong 19-35-25-42-58-05, na ikalawang beses lamang niya tumaya sa lotto. Aniya, naengganyo lamang siya sa laki ng grand prize ng “Handog Pakabog” ng PCSO.

Karaniwan raw na Scratch It games lamang ang nilalaro nito.

Plano naman niyang itabi ang napanalunan at magkawang-gawa.