Legit naman na kailangan nila! Ilang senador, nais ibalik ang confidential funds ng DOJ, DICT para sa cybersecurity

Naniniwala sina Sen. Sonny Angara at Sen. JV Ejercito na kailangan ng confidential funds ng Department of Justice at Department of Information and Communications Technology dahil sila ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno na lumalaban kontra cybercrime.

Isinusulong ng ilang senador na bigyan ng confidential funds ang Department of Justice at Department of Information and Communications Technology matapos itong tanggalan ng nasabing pondo.

Ayon kay Senator Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, dapat may pondo ang DICT para sa cybersecurity, galing man ito sa confidential funds o sa maintenance and other operating expenses (MOOE).

“You can paralyze a government online. So yun ang mga dapat tignan natin,” paliwanag ni Angara sa isang panayam. “Pag-aralan natin, baka outdated na yung ways of thinking natin.”

Sinang-ayunan naman ito ni Sen. JV Ejercito, na nanindigan namang dapat may confidential funds ang mga kagawarang may kinalaman sa national security gaya ng DOJ at DICT, na isa sa mga namumuno sa mga inisyatibo laban sa cybercrime at cyber warfare.

“My position is that confidential and intelligence funds are better left with departments or agencies that has something to do with national security and fight against criminality,” sabi ni Ejercito sa isang pahayag.

Kabilang ang DOJ at DICT sa mga tinanggalan ng confidential funds ng Kamara kamakailan lang.