Lalaking nagtangkang magpatiwalak, nasagip ng mga bumbero sa Pilar, Sorsogon

Dahan-dahang umakyat ang mga bumbero sa barangay hall ng Barangay Bayasong, Pilar, Sorsogon, atnasagip nila ang biktimang nadiskubre na may problema sa pag-iisip.

SORSOGON- Umani ng papuri ang ipinakitang kabayanihan ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Pilar matapos na maisalba ang isang lalaking PWD na nagtangkang mag-suicide nitong Lunes, September 18, 2023.

Alas-3:50 ng hapon nang makita ng mga residente ang PWD na nasa rooftop ng Barangay Hall ng Barangay Bayasong bayan ng Pilar at tangkang tatalon na agad naman na ipinaalam sa awtoridad at inaksyonan ng BFP.

Umabot ng isang oras ang tensyon bago napigilan ang PWD.

Ayon sa isa sa mga nagsalba at pinakaunang nakapigil sa tangkang pagpapakamatay ng PWD na si Senior Fire Officer 1 Daryl Guinan, walang kakayanang magsalita at hirap makarinig ang pasyente kaya nahirapan silang ma-rescue ito. Agad naman daw nilang isinugod ito sa Health Center upang matignan at masuri ng mga doctor.

Sa ngayon, blangko pa ang otoridad sa rason ng pasyente sa tangka nitong pagpapakamatay.