Lalaking may problema sa pag-iisip, patay matapos malunod sa Lagonoy, Camarines Sur

Hindi namalayan ng pamilya ng biktima na lumabas ito ng bahay. Nakita ng mga mangingisda ang bangkay sa dalampasigan ng Barangay San Jose

CAMARINES SUR- Wala ng buhay at palutang-lutang ang bangkay ng isang lalaki sa karagatang sakop ng Barangay San Sebastian, Bayan ng Lagonoy, pasado alas-12:30 nitong Sabado, Setyembre 17, 2023.

Nitong Setyembre 17, 2023, personal na nagtungo sa himpilan ng Lagonoy Municipal Police Station (MPS) ang nagpakilalang kapamilya ng biktima at positibo itong kinilala bilang si Mervin Asor y Rodriguez, 26-anyos ng Zone 7, Barangay Abucayan, Goa, Camarines Sur at sinasabing may problema sa pag-iisip.

Kwento diumano ng pamilya sa Lagonoy MPS, noong araw ding iyon nang mapansin nilang nawawala na ang biktima. Hinanap nila pero bigo ang silang matagpuan ang biktima hanggang sa mabalitaan ang sinapit nito.

Sa pahayag umano ng mga nakasaksing mangingisda, nakita pa ng mga ito na buhay ang biktima at nilalangoy ang karagatang sakop ng Barangay San Jose, parehong bayan at patungo sa kabilang isla hanggang sa matagpuan na lang siyang palutang-lutang.

Kaugnay nito, nanawagan ang Lagonoy MPS lalo na sa mga magulang o pamilya na may kaanak na may problema sa pag-iisip, mas bantayan pa ng maigi ang mga ito upang hindi mauwi sa ganitong pangyayari.

Sa ngayon, naiuwi na ang labi ng biktima sa kanilang tirahan.