Lalaki nagpanggap na miyembro ng Mayonnaise, pinilahan ng miron

Aliw ang mga netizen sa kakaibang karanasan ng isang lalaki na napagkamalang miyembro ng bandang Mayonnaise.

Aliw ang mga netizen sa kakaibang karanasan ng isang lalaki na napagkamalang miyembro ng bandang Mayonnaise.

Ayon sa netizen na si Kester Fajardo, dumalo siya sa isang concert ng Mayonnaise sa bayan ng Mapandan, Pangasinan.

Habang nasa concert ay lumabas raw muna siya para bumili ng inumin. Dito ay bigla na lang daw siyang tinanong ng tindera kung miyembro ba siya ng Mayonnaise.

“Naki fiesta kami sa Mapandan at guest nila ang Mayonnaise. Lumabas ako para bumili maiinom tapos si ateng nagtitinda nagtanong kung ako yung sa Mayonnaise, sabi ko ‘secret’ tapos pwede daw ba maki picture edi sabi ko oo,” kwento ni Fajardo.

Ngunit nagulat na lamang daw siya nang bigla na lang dumami ang nagpapakuha ng litrato sa kanya at nagkaroon pa nga ng pila.

“Things went out of control hanggang sa may pila na. Pumasok na ako kasi ako na nahihiya sa ginagawa ko,” saad pa niya. “Dalawang oras na akong tumatawa.”

Bumenta sa mga Facebook user ang kwento ni Fajardo at mayroon na itong mahigit 21,000 shares.