Lalaki nag-amok at namaril ng isang pulis sa Iriga City, arestado

Sinubukan pang magmaneho ng suspek matapos ang pakikipagbarilan sa pulis, ngunit nahuli rin ito kalaunan.

CAMARINES SUR – Inaresto ng awtoridad pasado alas-8:00 ng gabi ang isang 33-anyos na lalaking residente ng bayan ng Lagonoy matapos na mag-eskandalo at barilin ang isang rumespondeng pulis sa Iriga City.

Ayon sa ulat, isang concerned citizen ang nagbigay-alam sa awtoridad subalit bago pa ito marespondehan, nadaanan ito ng isang pulis na nakabase sa ibang bayan at sinubukang patigilin ang suspek.

Imbes na huminahon, pinaputukan din ng suspek ang umaawat na pulis kaya napilitan din itong paputukan ang suspek na nagresulta sa tinamong sugat nito sa kanang braso.

Sa kabila ng tinamong sugat, pinilit pa diumaong magmaneho ng suspek subalit naaresto rin kalaunan.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms, Direct Assault at paglabag sa COMELEC Gun Ban ang kakaharaping patong-patong na kaso ng suspek.