Lakas trip pala ‘to e! Whistleblower, walang personal na nalalaman sa anomalya sa LTFRB

Pawang mga sumbong at sabi-sabi lamang pala ang nalalaman ng whistleblower kuno na si Jefferson Tumbado, na pinaratangang korap ang LTFRB kamakailan lang.

Umamin na si whistleblower Jefferson G. Tumbado na wala siyang personal na nalalaman tungkol sa mga katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o kahit sinumang tauhan nito.

“Tulad ng ibang ahensiya ng gobyerno, naniniwala akong hindi ligtas ang LTFRB sa bahid ng katiwalian na ito’y akin na ring ipinanawagan na masiyasat ng mga kinauukulan,” sabi ni Tumbado sa kaniyang affidavit na sinumite niya sa NBI.

“Ngunit ang mga ito ay isinusumbong lamang din sa akin at wala akong direktang kaalaman o kumpirmasyon dahil hindi bahagi ng aking trabaho ang mag-imbestiga sa mga alegasyon,” dagdag pa ni Tumbado, na dating executive assistant ng suspindidong chairman ng LTFRB na si Teofilo Guadiz III.

Matatandaang hindi sinipot ni Tumbado ang NBI matapos itong ipatawag hinggil sa pagbawi niya ng una niyang mga paratang laban sa LTFRB at kay Guadiz na rin.