Lakas-tama, sa kalsada nagwala! Lalaking nakainom, huling dumadaan sa bus lane; nanitang MMDA enforcer, binundol pa

Bukod sa pagdaan sa EDSA Busway, nabundol pa ng drayber, na kinilalang si Mark Anthony Bagtas, ang motorsiklo ng traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumita sa kaniya.

Makakaharap sa patung-patong na kaso ang isang drayber na nahuling dumadaan sa EDSA Busway sa Quezon City nitong Linggo ng umaga, Enero 7.

Bukod diyan ay nabundol pa ng drayber, na kinilalang si Mark Anthony Bagtas, ang motorsiklo ng traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumita sa kaniya.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-5 ng umaga nang nangyari ang insidente, kung saan unang nakita ni traffic enforcer Jefferson Villaruel ang pagpasok ng Honda City ni Bagtas sa bus lane.

Sinundan ni Villaruel ang kotse gamit ang kaniyang motorsiklo upang sabihang lumabas ng bus lane, na hindi maaaring daanan ng mga pribadong sasakyan.

Sumunod si Bagtas, subalit pumasok muli ito ng bus lane. Dito na pumauna si Villaruel upang pahintuin sana ang kotse at tiketan.

Imbis na huminto ay natamaan pa ni Bagtas ang motorsiklo ni Villaruel, na naging dahilan sa kaniyang pagkakasemplang. Sa pag-iwas sa enforcer ay tumama sa concrete barrier ang Honda City.

Aminado naman si Bagtas na nakainom siya nang mangyari ang insidente.