Lakas mambudol! Umubra kaya yan sa Bilibid? Lalaki, arestado ng NBI matapos tumangay ng higit P15 milyon sa 20 babaeng biktima

Ang modus ng suspek ay maghanap sa kilalang dating app ng mga babaeng edad 30 hanggang 40. I-cha-chat nito ang kaniyang mga prospek at susuyuhin hanggang mapaibig niya. Dito na niya aalkukin ng negosyo ang kaniyang mga biktima at hihingan ng pangpuhunan.

Kalaboso ang inabot ng isang lalaki matapos arestuhin sa Mandaluyong City nitong Miyerkules, Enero 24, dahil sa mga kaso ng estafa at pagmamay-ari ng iligal na droga.

Kinilala ang lalaki na si Jeremiah Jaime Vergara, na timbog sa entrapment operation na ikinasa ng mga tauhan ng anti-cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kwento ni Atty. Jeremy Lotoc, hepe ng NBI-anti cybercrime division, ang modus ni Vergara ay maghanap sa kilalang dating app ng mga babaeng edad 30 hanggang 40. Icha-chat nito ang kaniyang mga prospek at susuyuhin hanggang mapaibig niya.

Dito na niya aalkukin ng negosyo ang kaniyang mga biktima at hihingan ng pangpuhunan.

Tinatayang nasa P15 milyon rin ang nahuthot ng suspek mula sa iba’t ibang babae, ayon kay Lotoc.

Dagdag pa nito, pinanglalaro ni Vergara sa casino ang mga nahuhuthot nito.

“Kapag natalo, iiwan nang luhaan ang biktima,” saad pa ni Lotoc.