Lahat sisilipin: Iba’t ibang motibo sa pagpaslang kay Jumalon, iniimbestigahan na ng PNP

Bukod sa pagiging mamamahayag ni Juan Jumalon, maaaring personal ang motibo ng mga suspek sa pagpatay sa kaniya, o kaya naman ay may kinalaman ito sa nagdaang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sinisilip ng Philippine National Police (PNP) ang iba’t ibang posibleng motibo sa likod ng pagpaslang ng mamamahayag na si Juan Jumalon sa bahay niya mismo sa Misamis Occidental.

Kaugnay nito, sinabi ni Lt. Alma Pescador, spokesperson ng Misamis Occidental Provincial Police Office, sa isang panayam sa OneNews PH na natukoy na nila ang dalawang suspek sa pamamaril kay Jumalon noong Linggo ng umaga, Nobyembre 5.

Gayunpaman, hindi pa rin daw nila tiyak kung ano ang rason kung bakit tinambangan si Jumalon.

Sabi naman ni Presidential Task Force on Media Safety (PTFOMS) executive director Paul Gutierrez, maaaring walang kinalaman ang pananambang sa pagiging mamamahayag ni Jumalon, ayon na mismo sa kaniyang mga kasamahan. Gayunman, iimbestigahan pa rin ang anggulong ito, pagtitiyak ni Gutierrez.

“We are giving our investigators all the freedom to further dig into this issue so we will know all the angles,” saad niya sa isang panayam sa People’s Television Network.

Dagdag pa niya, maaaring personal ang motibo ng mga suspek, o kaya naman ay may kinalaman ito sa nagdaang barangay at Sangguniang Kabataan elections.