Lahat naman ay may maiaambag, lahat ay kabilang! PBBM, hinimok ang bawat Pilipino na tumulong sa pag-atim ng ‘Bagong Pilipinas’

Magsisimula ang pagiging Bagong Pilipino sa pakikibahagi ng bawat isa sa pagpapaganda at pagpapasaayos ng kani-kanilang mga komunidad at barangay, pati na rin sa pagiging disiplanado.

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sambayanan na tulungan ang pamahalaan niya na makamit ang Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagiging “Bagong Pilipino.”

Iyan ang mensahe ng pangulo para sa Bagong Taon, na inilahad niya sa BBM Vlog 252, kung saan ibinahagi rin niya ang kaniyang mga resolusyon para sa 2024.

“Pero siyempre, nangingibabaw sa ating New Year’s resolution ang mga mithiin natin sa bayan dahil marami pang kailangang gawin, marami pang kailangan pagandahin, at marami pang kailangan ayusin para naman tuluy-tuloy ang pagsulong natin tungo sa isang Bagong Pilipinas,” ani Marcos.

Kaugnay niyan, nais ng pangulo na tumulong ang bawat Pilipino sa mithiin nitong Bagong Pilipinas.

“Lahat naman ay may magagawa, lahat naman ay may maiaambag, lahat ay kabilang,” aniya.

Magsisimula ito, ayon na rin kay Marcos, sa pakikibahagi ng bawat isa sa pagpapaganda at pagpapasaayos ng kani-kanilang mga komunidad at barangay, pati na rin sa pagiging disiplanado.