Lagot pa rin kayo! Comelec, patuloy sa paghabol sa mga kaso ng vote-buying

Pinaalala ni Comelec commissioner Ernesto Maceda Jr. na pwede pa rin habulin ng ahensiya ang mga indibidwal na lumabag sa mga batas-halalan, at kabilang diyan ang mga kandidatong nireklamo ng vote-buying.

Bagaman tapos na ang barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), naghahanda pa rin ang Commission on Elections (Comelec) na mag-file ng mga kaso ng vote-buying.

Ayon sa huling datos ng Kontra Bigay Task Force na binuo ng Comelec, umabot na sa 183 ang natanggap nitong reklamo na may kinalaman sa vote-buying, at 27 dito ay pormal nang nai-file ng ahensiya. Samantala, halos 100 na reklamo naman ang binubusisi pa ani Comelec commissioner Ernesto Maceda Jr.

Sinabi rin niya na may mga bali-balita rin sila hinggil sa iba pang mga posibleng kaso ng vote-buying, subalit hinihintay pa muna nila kung may magrereklamo nga.

“Those reports have to be substantiated; we have to wait for formal complaints or check if there is enough evidence for us to file a case motu propio,” paliwanag niya. “We can make sure that we will bring the perpetrators to justice.”

Dagdag pa ni Maceda, may kapangyarihan pa rin ang Comelec na habulin ang mga indibidwal na may mga paglabag sa batas halalan, gaya nang napabalitang alkalde na hinarang diumano ang proklamasyon ng mga nanalo sa iba’t ibang barangay.