Lagot ka na: Nag-amok na pulis Malabon, iniimbestigahan na ng PNP

Sinimulan na ng Internal Affairs Service ng PNP ang imbestigasyon nito kay Pat. Zenjo del Rosario, na diumano ay sangkot sa shooting rampage sa Malabon.

Sinimulan na ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon nito kay Pat. Zenjo del Rosario, na diumano ay sangkot sa shooting rampage na pumatay sa dalawang indibidwal at nakasugat sa isa pa.

Nahaharap si Del Rosario, na isang anti-narcotics officer sa Malabon, sa mga kasong murder at frustrated murder, pati na rin sa isang kasong administratibo na grave misconduct.

Ayon kay IAS inspector general Alfegar Triambulo, nagsimula nang mangalap ng ebidensiya ang mga imbestigator ng IAS upang masusing mapag-aralan ang mga kaso kay del Rosario.

Dagdag pa ni Triambulo, mareresolba ng IAS ang kasong administratibo ni del Rosario sa loob lamang ng 30 araw. Kung mapapatunayang nagkasala, maaaring maparusahan si del Rosario ng dismissal of service.