Laging gagawa ng paraan: Gobyerno ng Saudi, inaasikaso na ang backpay ng mga OFW matapos makipagpulong kay PBBM

Higit sa 10,000 dating OFW sa Saudi Arabia ang naghihintay pa rin ng backpay nila matapos matanggal sa trabaho dahil sa pagsasara ng kumpanyang pinapasukan nila. Salamat kay PBBM, malapit na nila matanggap ito.

Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang panayam sa media nitong Sabado, Oktubre 21, na inaasikaso na ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang backpay nang higit 10,000 overseas Filipino workers (OFWs) na natanggal sa trabaho matapos mabangkarote ang mga pinagtatrabahuhan nilang kompanya noong 2015 at 2016.

“Napo-process na ngayon ‘yun,” garantiya ni Marcos. “We are already coming to the point na ‘yung detalye na lang ang pinag-uusapan. ‘Yung listahan ng mga claimant ay nalinis na, maayos na. And we are just waiting for the details to be worked out between the Saudi side.”

Gayunpaman, hindi pa matiyak ni Marcos kung kailang maipapamahagi ang mga wage claims.

“I cannot say because it also depends on the internal processes in Saudi Arabia. But, again, I know for a fact that they will be paid. It’s just a question of when,” dagdag ng pangulo. “But in concept, in principle, itutuloy talaga nila ‘yung pagbayad doon sa insurance claims ng mga nagtatrabaho sa mga negosyo na nalugi.”

Batay sa mga record ng Department of Migrant Workers, may 8,829 claimants ang kumpanyang Saudi Oger samantalang 3,454 sa Mohammad Al Mojil.

Una nang sinabi ni Marcos na ipapakiusap niya ang nasabing issue sa gobyerno ng Saudi Arabia pagpunta na rito.