Lacson nababato na rin sa PDEA leaks probe

Maging si ex-senator Panfilo 'Ping' Lacson ay hindi na rin nakikita ang kahalagahan ng pagdinig ng Senado hinggil sa PDEA leaks.

Maging si ex-senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ay hindi na rin nakikita ang kahalagahan ng pagdinig ng Senado hinggil sa PDEA leaks.

Sa kanyang post sa social media, naglatag si Lacson ng limang dahilan kung bakit sayang lang ang oras ng Senado sa naturang pagdinig.

Ilan sa binanggit ni Lacson ay walang record ang sinasabi ni ex-PDEA agent Jonathan Morales na pre-operation report laban sa ilang personalidad na dawit umano sa ilegal na droga. Nadawit pa sa naturang report si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tinawag pa ni Lacson na basurang papel lang ang PDEA leaks at marami lang inabala na tao.

“Tama ang nakabiting tanong ni Sen Chiz. Hanggang kailan Ba ‘to matatapos magpapatawag ng resource persons?” saad ni Lacson, kung saan sinang-ayunan nito ang pagkwestiyon ni Sen. Chiz Escudero hinggil sa pagpapatuloy ng pagdinig.

Isa sa butas ng naturang pagdinig ay ang kawalan ng kredibilidad ni Morales, na nasampahan ng kasong administratibo dahil sa pagsisinungaling.