Labanan ang ‘negosyo’ sa halalan! Comelec, PAO, sanib-pwersa laban sa bentahan, bilihan ng boto sa BSKE

Magtutulungan ang Commission on Elections (Comelec) at Public Attorney’s Office (PAO) laban sa bentahan at bilihan ng boto sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Tuloy-tuloy ang kampanya ng Commission on Elections (Comelec) laban sa bentahan at bilihan ng boto para sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) nang pumasok ito sa kasunduan kasama ang Public Attorney’s Office (PAO) para tugisin ang mga lalabag sa panuntunan.

Lumagda sa isang memorandum of agreement ang Comelec at PAO ngayong Lunes, Oktubre 2, kung saan nagkasundo ang mga ahensya na magtulungan laban sa bentahan at bilihan ng boto.

Pumirma sa kasunduan sina Comelec chair George Garcia at PAO chief Persida Acosta.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Garcia na mahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensya laban sa bentahan at bilihan ng boto, na binansagan ng opisyal bilang “makabagong kanser ng demokrasya.”

“Nangangahulugan lang na ‘di puwede na palagpasin natin ang eleksyong ito at ang mga susunod na eleksyon nang hindi natin kasama ang PAO sa paglaban lalong-lalo na sa modern cancer na ito,” ani Garcia.

“‘Yan ay para ma-empower natin ang mga kababayan na maglakas-loob na dumulog at pumunta sa Comelec upang magreklamo. Hindi lang sa pamimili kundi sa pamimigay at pagtanggap ng mga goods, ng money at promises mula sa mga candidates,” dagdag pa ng Comelec chair.

Para naman kay Acosta, ang naturang pagkikipagtulungan ng dalawang ahensya ay magbibigay ng karagdagang proteksyon sa boses ng mamamayan na ipinapahayag sa pamamagitan ng boto.