Kwento mo sa pagong! Dating pulis na nanutok ng baril sa QC, nag-sorry sa nakaalitan na siklista

Nanindigan si Wilfredo Gonzales na self-defense ang kanyang layunin nang tutukan niya ang isang siklista matapos maka-alitan sa kalsada.

Humingi ng tawad si Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na nakuhanan sa video na nanutok ng baril sa siklista sa Quezon City, matapos magpaliwanag sa mga mambabatas na binunot lang niya ang armas niya upang protektahan ang sarili niya.

Paliwanag ni Gonzales sa Senate public order committee na nagsagawa ng pagdinig ng Martes, Setyembre 5, binunot niya ang kanyang baril dahil tila pasugod sa kanya ang siklistang naka-enkwentro niya na si Allan Bandiola.

“Ang intention ko po noon, bubunot po ako at nagkasa ng baril dahil pasugod po siya sa akin. Kahit i-review po natin ‘yung , inamin naman niya na susugod po siya,” paglahad ni Gonzales sa pagdinig na pinamunuan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng kumite.

“Dinepensa ko lang po ang sarili ko at 45 degrees lang po, alam niyo naman po ‘yun. Naka 45 degrees lang po pag gusto lang natin i-disable ‘yung tao if ever susugurin niya ako,” dagdag ni Gonzales.

Kahit na ganun ang intension ni Gonzales, ang pagtutok ng baril ay labag pa rin sa batas, punto ni Dela Rosa, isang dating heneral ng pulis.

“But still, kahit ‘di mo tinutok, gun-toting pa rin ‘yun. Once may hawak ka ng baril, tinutok mo o hindi sa harapan ng mga tao, gun-toting ‘yun. Revised Penal Code violation,” ani Dela Rosa.

Giniit pa rin ni Gonzales na self-defense ang kanyang motibo, bago humiling ng tawad sa kanyang nagawa.

“Humihingi po ako ng tawad sa parte pong ‘yun, ‘yung pambabatok, pagbunot ko, ‘yung pagkasa ko. Humihingi po ako ng tawad sa lahat, hindi lang po sa kanya, sa lahat po sa inyo,” ani Gonzales. “Nabigla po ako eh. Kasi ang isip ko po noon idipensya ko ang sarili ko, hindi naman ako ganoon kalakas eh. Galing ako sa spine operation.”

Inamin ni Bandiola na naging agresibo siya kay Gonzales matapos nitong batukan siya.

“Normal reaction ko po ‘yun kasi binatukan niya ko eh. Bumaba po ako ng bike… kaso lang po inano niya ko ng… bakit niya ko binatukan eh, puwede naman niya ko kausapin ng maayos,” ani Bandiola.