Kumikilos para sa bayan: Romualdez, ibinida ang Maharlika Fund sa mga delegado ng APPF31

Ibinida ni House Speaker Martin Romualdez sa mga banyaga ang Maharlika Investment Fund.

Bagaman hindi kasama sa agenda ng ika-31 Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31) ang pagtalakay sa Maharlika Investment Fund ng pamahalaan, nagawa pa ring ibida ito ng House Speaker Martin Romualdez sa sidelines ng naturang pagpupulong.

Iyan ang ikinuwento ni Romualdez sa mga mamamahayag matapos ang kaniyang closing remarks upang pormal nang wakasan ang APPF31, na tumagal ng tatlong araw mula Huwebes, Nobyembre 24, hanggang Sabado, Nobyembre 26.

“Sa sidelines po, siyempre binanggit din natin na meron tayong napasa na ngayon at batas na po na Maharlika Investment Corporation (MIC),” giit ni Romualdez sa mga mamamahayag.

Malugod ring ibinalita ni Romualdez na “nabenta” niya ang MIF sa mga banyagang lumahok sa APPF31, kung saan nagpadala ng delegasyon ang iba’t ibang bansa gaya ng China, Australia, at Indonesia.