Kumambyo muli sa harap ng Kamara! LTFRB, muling pag-aaralan ang implementasyon ng PUVMP

Nauna nang hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pag-aralang muli ang implementasyon sa Public Utility Vehicle Modernization Program matapos ang mga sigalot sa konsolidasyon at mga alegasyon ng korupsiyon.

Pumayag na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga panawagan na i-recalibrate nito ang pagpapatupad sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) matapos marinig ang mga hinaing ng mga drayber at operator na sumunod sa mandating konsolidasyon.

“Base po doon sa mga kwento na narinig namin, there is a necessity ngayon to recalibrate o ire-evaluate iyong proseso ng aming ahensya, together with the Office of Transport Cooperative who is managing these cooperatives. So. we will take a second look a hard look po para itong mga ganitong issues po ay hindi na po maulit,” ani LTFRB chair Teofilo Guadiz III, na isa sa mga dumalo sa motu proprio hearing ng House Committee on Transportation nitong Miyerkules, Enero 10.

BASAHIN RIN: LTFRB sa mga kooperatiba ng jeep: Pwede ninyong bilhin kung anong nais, basta pasado sa standard

Isa sa mga kwentong narinig ng komite ay ang karanasan ng grupo ni Philip Burata, na sinabi sa hearing na pilit kinukuha ng pamahalaan ang kanilang mga lumang jeepney sa kabila nang naunang kasunduan na sila pa rin ang mangangasiwa sa mga ito.

“Nag-file sila ng carnapping against us. Apat kami na nagkaroon ng kaso ng carnapping, 38 counts of carnapping. Iyong 44 units na na-aapprove sa aming ruta naibigay sa amin na kami ang nagma-manage, kinuha nila yong apat sa lansangan by force, binigyan ng pera ang mga driver,” kwento ni Burata sa komite.

Nauna nang hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang Department of Transportation at LTFRB na pag-aralang muli ang implementasyon sa PUVMP matapos ang mga sigalot sa konsolidasyon at mga alegasyon ng korupsiyon.

BASAHIN RIN: Parusahan kung mayroon kalokohan! Mga alegasyon ng korupsiyon sa PUV modernisasyon, iimbestigahan sa Kamara