Kulong ang smuggler! Trader na nagtangkang magpuslit ng carrots sa bansa, hinatulang guilty sa smuggling

Nadiskubre ng mga kawani ng Bureau of Customs na misdeclared ang shipment matapos ang actual physical inspection nito bunsod ng isang tip ng impormante, ayon sa pahayag.

Sinentensyahan ang isang negosyante na makulong ng tatlong taon matapos mahatulang guilty sa kasong pagpuslit ng P2 milyong halaga ng carrots sa bansa, ayon sa Bureau of Customs (BOC).

Hinatulan ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 24 na makulong si Divina Bisco Aguilar ng hindi bababa sa tatlong taon at isang araw hanggang apat na taon dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, sinabi ng BOC sa isang pahayag.

Ayon sa hatol, sinadya ni Aguilar na magmisdeclare ng inangkat na carrots mula Singapore bilang 2,500 na carton ng frozen pastry buns. Dumating ang shipment sa Port of Manila noong Hunyo 26, 2020.

Ayon sa BOC, ang shipment ng carrots ay may total appraised value na P2,051,988.18, may dutiable value na P1,709,342.18, at may customs duties, taxes at fees na nagkakahalaga ng P342,646.

Matapos makatanggap ng tip mula sa impormante, ipinagutos ng BOC ang physical inspection ng shipment, at kalaunan nagpalabas ng warrant of seizure at detention sa shipment.

Nagsampa ng reklamo ang kawanihan laban kay Aguilar noong Setyembre 10, 2020. Lumabas ang hatol noong Setyembre 8, 2023.