Kulang siguro ng budget para sa dekalidad na artist! PCSO, aminadong edited ang litrato ng nanalo diumano ng jackpot

Paliwanag ni PCSO general manager Mel Robles, pinoprotektahan lamang ng ahensya ang pagkakakilanlan ng maswerteng mananaya. Iyon nga lang, dispalinghado ang pagkaka-edit ng larawan.

Inamin ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na edited ang litrato ng babaeng nanalo umano ng P43-milyong grand prize ng Lotto 6/42.

Gayunpaman, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles sa hearing ng Senate Committee on Ways and Means na totoo ang nasabing litrato, na viral ngayon sa social media dahil nga halatang edit lamang.

Sa katunayan, ginagawang katatawang memes na ng ibang netizen ang nasabing larawan. Ang iba, napaisip na tuloy kung totoo bang nanalo ang nasa litrato, o gawa-gawa lang ba ng ahensya.

Bwelta naman ni Robles, pinoprotektahan lamang ng PCSO ang pagkakakilanlan ng maswerteng mananaya.

“We have to protect the identity of the winner. Meron pong nag-reklamo sa amin one time. We covered the face. Eh ‘yung damit naman po ay nakilala. So, nagreklamo siya, sana naman daw po ‘wag ipakita naman po ‘yung damit. ‘Yan ang reason niyan,” paliwanag ni Robles.

Ang nasabing larawan ay kuha diumano nang kunin ng mananayang taga-San Jose Del Monte, Bulacan ang kaniyang premyong P43,882,361.60 sa PCSO Main Office noong Disyembre 28, 2023.